Thursday, March 20, 2008

Dapit Hapon

Pinili ang oras na patay si kristo
At doon iniwan ang gulay malanta sa harap ng TV.
Ni-lock ang pinto ng banyo, sinindihan ang yosi.
Mahinang pinaandar ang gripo at umupo sa trono,
Maliit na bintana'y sinarado upang usok ay di kumawala.
Sabay tulo ng mala-jolens na pawis sa kunot ng noo
Na kunot na simula pa lang.

Naalala ang blade na itinago sa posporo,
Nung kailang maisipan na maglaslas pulso,
Doon din dumating ang gelpren na may dalang
Sorpresa, akusasyong nahaluan ng malisya,
Libre kape't pandesal sana ang mga tambay.
May kita pa sa tong- its at dadalaw sa wakas si Nanay.
Parang pulis kung minsan itong babae,
Kokotongan pa akong namumulubi.

Di tuloy alam kung ano ang mabaho,
yung tae sa inodoro o yung nanggaling
sa kanyang bunganga.
Si Katrina Halili sa pader tuloy ang napag- initan.
Ginutay- gutay ng bleyd hanggang sa maglumanay,
Linulunod ng pilit ang boses sa ulong lito.
Hayun at umalis nga nang walang paalam.
Kinabig pa ang wheelchair ng lumpong binging bastardo
Nang madaanan.

Naalala rin ang isang lapad ng dark na isinuksok sa baldeng
Ginawang tapunan ng tisyu't papel,
Kahit nabuksan na ay gumuguhit pa rin sa lalamunan
At may konting kagat pa naman.
Gumagabi na ayon sa butas sa bubong,
Rinig na ang huni ng toko at mga nagba-basketbol,
Lumalapot na ang usok na lason,
Mata'y nanlalabo, sa pait ay nanlulumo.
Ulap na sa kapal ang namuong aso.
Kinakapa na nga ang paligid baka mahanap si San Pedro.
Di pa rin napagpasyahan kung alin ang gugulutin,
Bayag ko ba? Titi? O pulso?
Kagabi ay may naisulat na suicide note,
Para sa mga nagmamahal.
Linagay sa ilalim ng paboritong unan.
Nahihiya pa ring ilantad sa mundo ang nararamdaman
Kahit ngayon.

Pero ngayong oras na upang kumawala sa kalasingan.
Nginuya ang blade na hawak malapit sa leeg sabay laklak ng alak.
Maglalaho rin lang naman, para pang wala.
At ang isinulat, sino pa ba ang magbabasa?
Wala, kundi ako rin. Ako pa rin.

No comments: