Thursday, March 20, 2008

Ulirat

At nalasing ang alak sa kakatitig ng matang lumalabo.
Nahuhubad kanyang taglay na espiritu
habang tinutunaw ang yelo sa baso.
Basong namamawis, tumutulo,
Binababad sa basa ang manggas nitong puting polo,
Tuluyang dumaloy sa sapatos na nakaapak sa sahig.
Maginaw na semento nagsisilbing ulap sa lupa.
Giniginaw rin ang pitser,
Sigarilyong naupos sa abuhan
na may Posporong palutang- lutang.
Lahat ay nakaabang sa pag-alsa nang kamay.
Isang tagay na lulunod sa kamunduhan.
Lalaban sa agos,
Lalanguyin hanggang maabot ang dalampasigan.
Ngunit nalasing ang mga minuto,
Oras ay hindi maibuo.
Basa na ang bar,
Tubig na ang alak,
Pagod na rin ang bangko.
At nang biglang matauhan,
Nagsara na muli ang laman nitong isipan.

No comments: