Wednesday, March 26, 2008

Manson


Nakakalula ang hagdan patungo sa araw
kung saan doon ka lamang masisilayan.

Maghahabi ng misteryo
gamit ang mala-karayom mong isipan,
dilang sinulid at palad na hahawak sa balaraw.

Guguhit ang hapdi at maglalapnos
ang balat bilang kabayaran,
Ngunit makukuha naman ang inaasam- asam.

Titingkad ang kulay na ipinipilit
At sa pagsapit ng dilim ito rin ang
magsisilbing ilaw na parang bituin.

Lutang ang kinang.

Titingala ang mga batong nakataob sa hardin,
ang mga munting isda sa dagat,
at mga nilalang ng kasalukuyan
sa taglay na kislap.
Liliwanag ang buong lupa.

Hihinto ang oras sa pagbantay ng
bawat hakbang at makakaligtaan ang
patuloy na pag-agos ng buhay.

Sa kakitiran ng utak ay lalapad ang daan
patungo kung saan nakalatag ang mga pangarap.

Mapaso man ay magkakaroon ng lunas ang
bawat sugat at doon ihahanay ka
sa mga bayani, santo,
martir at rebolusyunaro.

Lahat Patay.

No comments: